Sistemang Pampamahalaan Noon at Ngayon

Panta Rhei
9 min readFeb 20, 2021

--

Marahil maraming sasang-ayon sa kaisipang malaki at malalim ang kinahaharap na suliranin ng mga Pilipino sa kasalukuyang sistemang pampamahalaan. Ngayon, kinakasangkapan ito ng mga makapangyarihan, talamak ang panggigipit sa mga ordinaryong mamamayan, at hindi sapat ang mga mga polisiya, programang pambansa, at pamamaraan ng pamamalakad. Kailan nga ba tayo dumating sa ganitong sitwasyon? Kailan napalitan ng pananamantala ang pamamahala?

Kung gugunitain, ang ating bansa ay may sariling paraan ng pamamahala at masasabing mataas na kalagayang panlipunan bago pa man dumating ang mga dayuhan. Kung pagbabasehan ang heograpikal na katangian ng bansa, bawat lugar ay may kani-kaniyang sistema ng pangangasiwa at walang pambansang pamahalaang matatawag. Kaiba ito sa kasalukuyang sistema, gayunpaman, sang-ayon ang mga pag-aaral na matagumpay pa ring natugunan ng mga sinaunang sistemang pampangangasiwa ang mga pangangailangan ng mga katutubong Pilipino. May katuturan ito sapagkat wala nang mas magandang uri ng pamahalaan kaysa pamahalaang binuo ng mga Pilipino para sa mga Pilipino.

Sa akda niyang Customs of the Tagalogs (1589), binanggit ni Juan de Plasencia na may maayos na sistema ng panlipunang antas, pamamahala, at pangangasiwa ng sistema ng hustisya ang mga katutubong Pilipino. Sa apat na panlipunang antas, pinakamataas, sinusunod at ginagalang ang “Datu” na siyang kapitan ng mga digmaan. Sumunod dito ay ang mga “Maharlika” na malayang ipinanganak at hindi nagbabayad ng buwis. Ikatlo naman ay ang “Aliping Namamahay” na may sariling pamamahay at kani-kanilang ari-arian. Pinakamababa namang uri ang mga “Aliping Saguiguilid” na nagsisilbi sa kanilang mga amo at maaaring ibenta. Pagdating naman sa pamamahala, tinatawag na “Barangay” ang yunit ng pampolitika, panlipunan, at pangkabuhayan na pinamumunuan ng Datu at binubuo ng 30–100 pamilya. Isang napakagandang katangian ng mga sinaunang barangay ay ang pagtatabi-tabi upang matulungan ang isa’t isa sa oras ng pangangailangan gaya ng digmaan. Dagdag pa ni Plasencia, sa pangangasiwa ng sistema ng hustisya, pangunahing tungkulin ng Datu ang magpatupad ng mga batas, tiyakin ang kaayusan, at protektahan ang kanyang nasasakupan. Ang mga alitan o pagtatalo sa pagitan ng mga indibidwal ay inaayos sa isang hukuman na binubuo ng Datu at konseho ng mga nakatatanda. Sa hukuman ding ito isinasagawa ang maayos na sistema ng paggawa ng batas. Mayroon na ring maunlad na ugnayan ang mga barangay at karatig-bansa tulad ng pakikipagpalitan ng mga kalakal, pagtutulungan sa panahon ng digmaan, at pakikiisa sa ritwal na tinatawag na “Sanduguan.” Itinatag naman ng mga Muslim sa pamumuno nina Sharif Kabungsuwan at Abu Bakr noong ika-15 siglo ang unang Sultanato sa Pilipinas. Isa rin itong yunit ng pamamahala na batay sa katuruan ng Islam. Ipinakilala sa mga Pilipino ang Shari’a o banal na kautusan na siyang nagsilbing pangunahing sistemang pambatas ng mga Muslim. Sa madaling salita, sa pakikipagkalakalan at pakikipag-ugnayan ng mga sinaunang Pilipino, nabuo ang mga unang pamayanan at sistema ng pangangasiwa sa bansa. Ang mga ito ang gumabay sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga katutubong Pilipino.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa patunay na epektibo at matatag ang sarili nating sistema ng pamamalakad noon pa man. Sa kabilang banda, isa pang uri ng sibilisasyon ang kumalat sa buong bansa pagtuntong ng mga kolonisador sa kalupaan. Ang sibilisasyong ito ang nagtulak sa pagsisimula ng Republika ng Pilipinas bilang opisyal isang estado ng bansa hanggang sa kasalukuyan.

Pagdating ng mga Espanyol, unti-unting nasapawan ang katutubong sistema ng pamahalaan at napalitan ito ng sistemang hindi naman talaga angkop para sa mga Pilipino. Ito ay ang gobyernong Praylokrasya na umalipin sa mga katutubo sa sarili nilang lupa. Ayon kay Bayani Abadilla sa akda niyang Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya, “Ang realidad na ito [pananakop ng Espanya sa loob ng 333 taon] ay tahasang bumalewala sa konseptong pagkatao at pagkabayan ng mga Pilipinong tinaguriang Indio o Katutubo. Nawalang saysay ang katagang bansa na timbulan ng patrimonya o pambansang komunidad.” Dagdag pa rito, sa halip na labanan, lalo pang pinatatag ng mga pinakilalang larangan ng gobyerno: ehekutibo, lehislatura at hudikatura ang kagarapalan ng mga mananakop at tahasang paninira sa identidad ng mga Pilipino.

Mas lalo pang nilapastangan ng sumunod na mananakop (Estados Unidos) ang sistema ng polisiya, pamamalakad, at hustisya sa bansa. Binitag nito ang katinuan ng mga Pilipino at sapilitang ipinalsak ang kanilang patakarang kolonyal. Totoong bago pa man natin makamit ang pinagmamalaking demokrasiya ngayon, pinangalunyaan na ang binuo ng mga katutubong sistema ng pangangasiwa. Pitumpu’t limang taon matapos mag-alsabalutan ang mga huling mananakop, naiwan sa bansa ang dantaong halaga ng dayuhang kultura at pamamahala. Kahit wala na sila sa kalupaan ng Pilipinas, matagumpay na naitanim ng mga mananakop ang pangkabuhayan at pampulitikang interes nila sa Pilipinas.

Sa ilalim ng bagong Republika, ang mga katutubong Pilipino ay napasailalim sa paniniwala ng estadong “Isang bansa, Isang tao, at Isang gobyerno.” Tuluyan nitong inalis ang awtoridad ng mga katutubong namumuno at inilagak sa gobyerno ang kapangyarihan na mamuno sa mga mamamayan ng bawat isla ng Republika ng Pilipinas. Sa pagdaan ng panahon, unti-unting natutunan ng mga Pilipinong tanggapin ang bagong sistema ng polisiya at pamamahala. Gaya ng halos lahat ng iniwan ng mga dayuhan sa bansa, nananatiling kolonyal at naglilingkod sa sariling interes ang sistemang pamahalaan. Dahil higit na nakabalangkas sa kulturang banyaga ang kasalukuyang sistema, may mga bahaging hindi nakalapat sa kalagayan ng bawat lipunan at may mga pagkakataong hindi umaangkop ang kasalukuyang programang pambansa sa pangangailangan at konteksto ng mga pamayanan. Dapat lamang na mas palakasin ang tawag upang bumuo ng pamamaraan ng pangangasiwa na husto sa pangangailangan ng kasalukuyang lipunan. Kung imposible man tayong makawala mula sa impluwensya ng mga dayuhan pagkat naging parte na ito ng ating identidad, mapa-Espanya man o Estados Unidos, maaari naman nating pagyamanin ang kasalukuyang sistema sa pamamagitan ng pag-a-asimila sa katutubong pamamaraan ng pamamalakad.

Bilang mahalagang karanasang bayan, kailangang pagtibayin ang programang pambansa sa kasalukuyan at kalauna’y isalin ito sa talinong bayan na siyang magiging karunungang gagabay at tutugon sa mga pangangailangan ng lipunan. Upang makamtan ito, kailangan ng oryentasyong Filipinolohiya sa pagsisinop ng mga karanasan ng bayan. Gamit ang Filipinolohiya, maaaring maging talinong bayan ang pagbuo ng mga polisiya, programang pambansa, at pamamaraan ng pamamalakad sa kasalukuyan sa pamamagitan ng maayos na kaisipan sa pagpoproseso nito sa makamasa, siyentipiko at makabayang paraan. Kailangang sinupin ang sistema, proseso, balangkas, at dokumentasyong pang-edukasyon. Tinutuganan ito ng Filipinolohiya bilang, ayon kay Cardenas (2000), “displina ng karunungan na nakasalig sa maka-agham na pag-aaral sa pinagmulan, kalikasan, at ugnayan ng wika, panitikan, kultura, lipunan, kasaysayan, komunikasyon at iba pang batis ng karunungang Pilipino.” Nililinang din nito ang mga karunungang ambag ng mga katutubong Pilipino upang magamit sa kasalukuyan. Maaari pa rin nating mapanatili ang ilan sa mga kapaki-pakinabang na aspeto ng dayuhang sistema, ngunit malaking bahagi ng prosesong ito ay bumabatay sa mga pamamaraan ng pamamalakad ng mga katutubo sa kanilang mga komunidad.

Pundasyon ng prosesong ito, una’t sa lahat, ang edukasyong may pagkilala sa Filipinolohiya. Ang malalim at obhektibong pag-aaral ng kasaysayan at kultura ay ang pangunahing sangkap sa pagbuo ng mga polisiya at programang pambansa sa kasalukuyan. Isinusulong ng edukasyong maka-Filipinolohiya ang pagbabalik-tanaw sa pre-kolonyal na gawi, kultura, at pamamahala ng mga katutubong Pilipino gayon din ang kaalaman at kamulatan ng mamamayan tungo sa magandang landas ng kasalukuyan at mga susunod pang salinlahi. Bagama’t hindi perpekto ang katutubong gawi at may mga pamamaraang hindi na rin angkop sa kasalukuyang konteksto, kinikilala ng prosesong ito na marami pa rin tayong matututunan sa malalim na pag-aaral nito. Sa pamamagitan ng pagtingin sa kultura at kasaysayan, mamamalas natin kung paano mapagtatangkaang solusyunan ang mga kakulangan (at kalabisan) ng kasalukuyang sistema ng pamamahala. Sentrong aral nito ay ang pag-unawa, pagsuri, at pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa at pag-alam ng kaugnayan nito sa kasalukuyan. Bukod dito, kailangan ding mapukaw ang mga Pilipino sa mga kakulangan ng kasalukuyang sistema ng pamamahala. Paalala nga ni Renato Constantino sa Lisyang Edukasyon, “Walang anumang patakarang pangkabuhayan at pampulitika ang magtatagumpay kapag hindi itinanim ng edukasyon sa kabataan ang tamang pananaw na magtitiyak ng pagsasakatuparan ng mga layunin at patakarang ito. Dapat ituon ang mga patakarang pang-edukasyon ng Pilipinas sa paghubog ng mga Pilipino. Dapat tiyakin ng mga patakarang ito na ang mga paaralan ay humuhubog ng mga lalake at babaeng ang pananaw ay ayon sa mga pangangailangan ng bayan.” Tiyak na makakatulong sa pagpapanatili at pagpapatatag ng kasalukuyang mga institusyon, kultura at tradisyon ang pag-aaral sa sistema ng pamamahala ng mga katutubo hinggil sa pag-unlad na makakaapekto sa kanila at kanilang mga lupain, nasasakupan at likas-yaman. Ngayon, higit kailan man, kailangan ng mga Pilipinong may malasakit sa bansa.

Kaagapay ng oryentasyong Filipinolohiya ng edukasyon ang pagpapatibay ng mga siyentipikong pagsisiyasat at pagbabatay sa mga katutubong pamamaraan ng pamamalakad sa kanilang mga komunidad. Ito ay parte ng layuning maging lehitimo ang prosesong ito hindi lamang sa mga terminong sosyo-politikal at papel kundi maging sa kamalayang panlipunan. Kailangang suportahan at bigyang pagpupugay ang mga siyentipikong pagsasaliksik sa kasaysayan ng katutubong pamamahala gayon din sa mga komunidad na patuloy na tumatalima dito sa kasalukuyan. Dapat ding analisahin at obserbahan ang mga sistemang pampolisiya ng mga komunidad- mga benepisyo nito, kakulangan, at maaaring gawin upang mas mapabuti ang mga ito. Bagaman ang pananaliksik na nakatuon sa pamayanan ay kumplikado at nangangailangan ng mga pakultad ng kontrol, malaki ang magiging benepisyo nito upang mas maunawaan ang kanilang paraan ng pamumuhay. Ang anumang matututunan natin sa mga pagsasaliksik na ito ay magiging kapaki-pakinabang sa mas malaking sukat- pambansang kaunlaran. Sa kolektibo at sistematikong pagsisiyasat, ang mga mananaliksik at miyembro ng komunidad ay may aktibong partisipasyon sa mga proseso ng pananaliksik. Sinusuri nito kung paano isasa-praktika at bibigyan ng kongkretong aplikasyon ang iba’t ibang teoritikal na balangkas pagdating sa pamamahala. Nagbibigay din ito ng malawak na hanay ng mga instrumento upang maunawaan at mas mapadali ang proseso ng pagbabago sa lipunan. Sa pangkalahatan, layunin ng pananaliksik ang isalin ang mga siyentipikong resulta sa materyal at totoong pagbabago.

Kasunod ng malalim na pag-aaral at pananalilksik sa mga pamamaraan ng pamamalakad ng mga katutubo sa kanilang mga komunidad, magkakaroon ng kamalayang panlipunan at lubos na pagsasa-praktika ng mga natutunan. Gamit pa rin ang Filipinolohiya bilang pangunahing instrumento ng paglalagom, makabubuo ng mga polisiya at programang pambansa na batay sa katutubong pamamaraan at mas angkop at lapat sa kasalukuyang konteksto ng pamumuhay.

Sa kabila ng mga pagtatangkang mas maunawaan ang katutubong polisiya, programang pambansa, at pamamaraan ng pamamalakad upang maging balangkas sa kasalukuyan, magandang hakbang din na mas paunlarin, panatilihin, at protektahan ng katutubong sistema ng pamamahala. Ayon sa ika-apat na artikulo ng Deklarasyon ng United Nations sa mga Karapatan ng mga Katutubo, “ang mga katutubo, sa pagsasagawa ng kanilang karapatang ng sariling pagpapasya, ay may karapatan sa otonomiya o sariling pamamahala sa mga bagay hinggil sa kanilang panloob at lokal na usapin, kabilang dito ang pamamaraan at hakbang kung papaano mapipinansyahan ang kanilang mga pangangailangang pang-otonomiya.” Bukod dito, panawagan din ng Indigenous Peoples Rights Act at Magna Carta ng Kababaihan Indegenous Peoples Rights Act ang pagpapanatili ng karapatan ng mga Indigenous Peoples (Ips) na pamahalaan ang sarili. Sa bawat pag-aaral at pananaliksik na nakabatay sa sistema ng pamamahala ng mga katutubong komunidad, kailangan pa ring ikintal ang kahalagahan ng pagpapanatili at pagrespeto dito. Hindi hangad ng prosesong maka-Filipinolohiya na diktahan ang mga katutubong komunidad na kalimutan ang kanilang mga pamamaraan. Bagkus, layunin nitong mas pagyamanin ang natitirang bakas ng kasaysayan at sa proseso’y gabayan ang pagbuo ng kasalukuyang sistema ng pangangasiwa.

Bilang iskolar ng bayan at mag-aaral ng agham pampolitika at pamamahala, isa sa aking mga gampanin ang maging kaisa sa pagpapaunlad ng buong lipunan at hindi lamang ng sarili. Kinikilala ko rin ang layuning isulong ang makabayan at makataong sistema ng pamamahala sa kasalukuyan. Kalakip nito ang pagpapahalaga sa mga katutubong gawi at patuloy na pagkatuto mula rito. Naniniwala akong hindi sapat ang pag-aaral tungkol sa kultura at kasaysayan kung hindi ito iaakma sa pagbibigay-solusyon sa mga kasalukuyang suliranin ng bansa. Kasangga ko at ng marami pang kabataang Pilipino ang wisyong Filipinolohiya upang maiwawaksi ang paggamit sa pamantayang dayuhan sa pagtingin sa maagang bahagi ng kasaysayan.

Ang mga aral na itinuturo sa atin ng mga katutubong Pilipino ay hindi lamang mga kwento tungkol sa mga nakaraang pamamaraan ng pamumuhay. Sa halip, ito ang puno’t dulo ng ating identidad at ito rin ang gagabay sa atin sa hinaharap. Sa pagsasalin ng karanasang bayan patungong talinong bayan gamit ang Filipinolohiya, lalawak ang ating pananaw sa mga bagay na ipinamana ng mga katutubong Pilipino- sa kultura man, sining, paraan ng pamumuhay, pamamahala, at marami pang iba.

Malaki ang implikasyon ng mga polisiyang binubuo ng pamahalaan, mapa- lokal man o nasyonal, sa buhay ng bawat mamamayan. Bago ipatupad, mahalagang dumaan muna ang mga ito sa mahabang proseso ng pagtatama sa pamamagitan ng edukasyon at pananaliksik. Patuloy nating kilalanin at pahalagahan ang mga kontribusyon sa pamumuhay, kultura at paniniwala ng katutubong polisiya at pamamaraan ng pamamalakad. Bagaman maraming nagbago sa sistemang pampamamahalaan mula noon hanggang ngayon, nananatiling layunin nito ang pambansang kaunlaran. Wala naman talagang perpektong paraan ng pamamahala, ngunit hindi rin naman pagmamalabis kung isiping nararapat sa atin ang pinakamahusay na posibleng pamamaraan. Sa pamamagitan ng Filipinolohiya bilang kasangkapan sa pagsasalin ng karanasang bayan tungo sa talinong bayan, makabubuo tayo ng pambansang pangangasiwa na batay hindi lamang sa empirikal na datos kundi higit sa lahat, sa karanasan ng mga katutubong Pilipino. Ika nga nila, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.”

Batayang ginamit:

Abadilla, B. (2002). Retrieved from Wisyo ng Konseptong Filipinolohiya: https://filipinolohiyajournal.files.wordpress.com/2018/06/1-12-wisyo-ng-konseptong-filipinolohiya-ni-bayani-abadilla-i-politeknikong-unibersidad-ng-pilipinas.pdf

Department of Education. (2015). Retrieved from Project EASE, Araling Panlipunan: https://www.slideshare.net/ssusercdfe4f/modyul-4-ang-kalinangang-pilipino-sa-panahon-ng-barangay

Gacosta, J. (2016, Nobyembre 13). Retrieved from https://prezi.com/zapoqgwvchcs/pamamahala-noong-sinaunang-pilipino/

Philippine Commission on Women. (1997). Retrieved from Magna Carta ng Kababaihan Indigenous Peoples Rights Act: https://library.pcw.gov.ph/sites/default/files/IPRA_MCW_final_web.pdf

Plasencia, J. d. (1589). Retrieved from https://www.slideshare.net/rey_john_rey/juan-de-plasencia-custom-of-the-tagalogs

Requejo, L. (2020). MODYUL SA FILIPINOLOHIYA AT PAMBANSANG KAUNLARAN.

United Nations General Assembly. (2008). Retrieved from http://www.un.org/esa/socdev/unpfii/documents/DRIPS_PIL.pdf

--

--

Panta Rhei
Panta Rhei

Written by Panta Rhei

The Skinhead Hamlet Act 1 Scene 1

Responses (1)